Pages

Ang Pasko ay Sasapit

Habang patuloy na umiinit ang aking ulo nung gabing iyon, di ko maiwasang bumaluktot sa ilalim ng aking makapal na dilaw na kumot. Malamig ang gabing iyon. Ako'y giniginaw. Hindi ko nakayanang bathin ang gabing ubod ng lamig. Hindi na naitatago ang lamig ng mga gabi ngaun kahit na sunog na sunog ka na sa init tuwing tanghali. Sulit na sulit ang lamig sa gabi kung ang init na nararanasan mo mula pagka`gising mo hanggang sa maghapon ay tulad dito sa Pinas. Ngunit malamig man ang mga gabi ko'y mainit parin ang aking ulo.
"Malamig ang simoy ng hangin.
Kay saya ng bawat damdamin."
Oo, malamig na ang simoy ng hangin. Ika-labing-apat na ng Disyembre at patuloy na lumalamig ang simoy ng hangin gabi-gabi. Bagaman nangangatog, wari'y nasasabik pa ang karamihan sa nalalapit na okasyon -- ang Pasko.

Pasko. Ano nga ba ang Pasko? Nalalapit na ang Pasko kapag "ber" months na ayon sa karamihan. Simula sa unang buwan ng kanilang tinatawag na "ber" months, Setyembre, nag-uumpisa na silang mag-bilang ng araw. At kahit Nobyembre pa lamang, dinig na dinig na tunog ng mga kumakalog na tansan ng mga batang nangangaroling. Pagkatapos ay binibigyan sila ng piso. Ngunit kapag ang narinig mo'y gumigitara na may panderetang kasama at tila tunog choir na ang mga kumakanta, hindi ka makaka-hinding bahagihin ang lima o sampung piso mo sa kanila mula sa iyong kakarampot na kinitang pera. Hindi ko rin alam kung dapat bang ikatuwa o patuloy na mairita sa mga batang pulubing imbis na hingin lamang ang piso mo eh idadaan na lamang sa pangangarol. Hindi narin maitatago ang nasasabik na pagmumukha ng mga batang nais lagyan ng palamuti ang kanilang tahanan. Magtatayo ng krismas tri, maglalagay ng mga bolang kumikinang at ng pulang bulaklak, at pati narin ang kumukuti-kutitap at bumubusi-busilak na mga bumbilya ayon kay Joey Albert. Sabik na sabik narin ang mga tao sa Simbang Gabi, ni hindi ko ngasigurado kung ano ang nkakaparami ng tao sa simbahan -- kung yung pwede ka bang mkahingi ng hiling kapag nakumpleto ang siyam na araw o ang tinapay at kape na libre kainin sa likuran ng simbahan. :D

Maaari bang mawala ang pagtanggap ng mga regalo? Este, ang pagbibigay pala? Ito na siguro ang isa sa mga pinakaaabangan ng mga bata, lalong lalo na ang mga bata-isip. (Ito rin ang pinaka-paborito ko sa lahat maliban sa kaarawan!) Kung ano'ng saya ang madarama mo kapag may natanggap kang regalo mula sa iyong kaibigan o kamag-anak, ganun din ang hirap at pagod ang mararanasan mo tuwing ikaw ang mag-reregalo. Nakakaloka! Nakakabaliw! Nakakapraning. Pero, masaya naman lalo na kung hilig mo ang pagbabalot ng regalo. It's better to give than to receive, sabi nga nila. Nakakatuwa at nakakagaan ng kalooban.

Pero kung ako ang tatanungin, simple lang ang kahulugan Pasko. Hindi na mahalaga kung may isang daang araw pa bago sumapit ang pasko, kung piso o sampung piso pa ang mawawala sa akin, kung nakakarindi man pakinggan ang kinakalog na tansan, kung kahit isang kilometro na akong sinusundan ng nangangaroling na bata, kung may parol ba na nakasabit sa aming tahanan, kung hindi ko man makumpleto ang Simbang Gabi, kung kapos man ako sa pera, o sobrang yaman ko pa, kung mabaliw man akong maghanap ng regalo, kung may regalo man ako ngayong taon, at kung may mabibigyan ba ako ngayon ng regalo.

Tulad ng sabi ni Charo Santos, "Pagmamahal, wala ng iba." Yun ang tunay na kabuluhan ng Pasko para sa akin, at sana'y para narin sa iba. Ang pagbubuklod-buklod ng pamilya ay mahalaga rin. "No greater gift is there than love," sabi ng Jackson Five. Ngunit nakakapagtaka at isang malaking pala-isipan sa akin kung bakit hindi parin mapayapa ang ating bansa, o ang ating mundo sa kabuuan, gayong laging naisasambit ang salitang "mahal" o "pagmamahal". Kailan kaya matututong magmahal ang bawat isa sa atin? Bagaman isang malaking tanong iyan na kahit sino'y hindi malalaman ang sagot, patuloy parin sana tayong umasa na may liwanag sa dulo ng isang madilim na bukas. Matuto tayong magmahal, magpatawad at lumimot sa nakaraan. Ngunit higit sa lahat, sana'y hindi lamang tuwing Pasko magmahalan.

Maligayang Pasko sa lahat ng mga bumabasa!

2 comments:

e'an said...

oh really????????

hehe mery X'mas seatm8!

sej said...

oo seatmate, love! hahaa. kaya grabe ang increase sa population natin. wahaha. joke. :)